Madilim ang kwarto. Habang pinipilit kapain kung nasaan ang turn ON switch ng ilaw, hindi mapagkakaila ang kakaibang halimuyak na sumalubong sa aking ilong. Isa lang ang pinang gagalingan ng pambihirang amoy na ito— at hayun nga, tama ang hula ko! May mga ipis sa kwarto.
May MGA ipis sa kwarto. May MGA ipis sa kwarto. May MGA IPIS sa kwarto. MAY MGA IPIS SA KWARTO!!!!!
Natatandaan mo pa ba yung patalastas ng Baygon kung saan napakaraming ipis ang gumanap? Basta lumang patalastas yon. Una, pinakita yung lalake na papunta sa kusina, tapos nang binuksan nya ang ilaw eh ayun, nakita nya ang mga ipis na nagpaparada sa lababo. Ilang saglit lang eh naglabasan narin ang iba pang mga kapal-muks na ipis galing sa ilalim ng refrigerator. Buti nlang may Baygon yung mama at na-tepok ang mga buwisit na ipis. Walang natira, kahit isa. Kagilagilalas! Naka kikilabot! Malaki ang impact ng patalastas na yun sakin. Para sakin kase, ang mga ipis eh hindi talaga nakakatuwa.
Sumaglit yon sa isip ko ng makita ko ang sang damakmak na ipis sa loob ng comfort room. Hayun, nag ipon ipon sa sulok. Tila ba may General Conference Session ang lahat ng ipis sa buong mundo–ok fine, exaggerated, pero pramis! Ang dami talaga. Umurong ang ihi ko sa pagkagulat at pandidiri…
Aba, at pa hindi nakontento ang mga bwisit, at hayun, nag recess sa sala. Ang iba naman ay nag strolling sa ilalim ng hapag kainan. Hindi ko na pinansin. Mind my own business nlang ako dahil wala ako sa mood mang terrorize.
Mahimbing sana ang tulog ko ng maramdaman kong may gumagapang sa aking kanang braso. Bumaligwas ako at nagmadaling buksan ang ilaw. Aba, ang tatlong magkukumpareng ipis eh hindi nakontento sa sala at nag adbenchur pa sa kwarto ko. Sabi ko sa sarili ko, isa lang ang katapat ng mga yun, at hinablot ko ang sapatos ko na may tatak na Celine at hinampas ng tigatlong beses ang bawat isa. Nang gigigil ako sa inis dahil ang sarap ng tulog ko! PAK! PAK! PAK! Ang maingay kong sapatos ang pumutol sa katahimikan ng gabi. Hindi tumagal ay naamoy ko na ang signature smell nila. Winalisan ko ang sahig at muling sumubok bumalik sa mahimbing na pagtulog.
Hindi nangyari ang aking binalak. Naitext yata ng mga ipis bago sila mamatay ang mga kapwa ipis nila na mainam ang napuntahan nilang lugar. Kaya ayun, wala na akong nagawa buong gabi kundi ihampas si Celine sa bawat ipis na sumubok mag pilgrimage sa aking kwarto.
Dalawang gabi naganap ang giyera. Walang nagawa si Kapitan Baygon at Colonel Muriatic Acid sa mga guerillang ipis. Ngunit matagumpay si Celine.
The End.
(Ang mga nailathala sa taas ay pawang katotohanan, at katotohanan lamang)